Ang Tunay At Tapat Na Kaibigan
Dahil sa modernong teknolohiya,
napakadali na ngayong magkaroon ng daan-daan o libo-libo pa ngang “friends” sa
social network—basta idagdag lang natin ang pangalan nila sa listahan ng ating
mga contact. At kung ayaw na nating maging “friend” ang isang tao, idi-delete
lang natin ang pangalan niya sa ating contact list. Hirap pa ring makahanap ng
tunay na kaibigan ang marami. Gaya ng marami, marahil ay sang-ayon ka rin na
mahalagang magkaroon ng mabubuting kaibigan. Pero alam mo rin na ang
pakikipagkaibigan ay hindi lang basta pagki-click ng mga link sa iyong computer
o cellphone.
Ano ang hinahanap mo sa isang kaibigan? Paano ka magiging isang
mabuting kaibigan? Ano ang kailangan para tumagal ang pagkakaibigan?
1.
Ipakita na Talagang Nagmamalasakit Ka
Kailangan sa tunay na pagkakaibigan
ang commitment. Ibig sabihin, alam ng isang mabuting kaibigan na may
responsibilidad siya sa iyo, at talagang nagmamalasakit siya sa iyo. Siyempre
pa, pareho kayong dapat makadama ng gayong responsibilidad, at kailangan dito
ang pagsisikap at pagsasakripisyo. Pero sulit naman iyan. Tanungin ang sarili,
‘Handa ko bang ibigay ang aking sarili, panahon, at anumang mayroon ako para sa
kaibigan ko?’ Tandaan, para magkaroon ng mabuting kaibigan, ikaw mismo
ay dapat na maging isang mabuting kaibigan.
ANO
ANG SINASABI NG BIBLIYA?
“Kung ano ang ibig ninyong gawin ng
mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila. Ugaliin ang pagbibigay, at
ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Lucas 6:31-38) Dito, pinasisigla tayo
ni Jesus na maging mapagbigay at huwag maging makasarili. Kung gagawin natin
ito, magkakaroon tayo ng mabubuting kaibigan. Kung handa mong ibigay ang iyong
sarili para sa mga kaibigan mo nang walang inaasahang kapalit, gugustuhin ka
nilang maging kaibigan.
2.
Maging Mahusay sa Pakikipag-usap
Hindi lalalim ang tunay na
pagkakaibigan kung walang komunikasyon. Kaya laging mag-usap tungkol sa mga
bagay na gusto ninyo. Pakinggan ang iyong kaibigan, at igalang ang opinyon
niya. Kung posible, papurihan siya at patibayin. May mga panahong kailangan
niya ng payo o pagtutuwid pa nga, at hindi ito laging madaling ibigay. Pero ang
isang tapat na kaibigan ay may lakas ng loob na itawag-pansin ang maling
ginagawa ng kaniyang kaibigan at magbigay ng payo sa mataktikang paraan.
ANO
ANG SINASABI NG BIBLIYA?
Ang bawat tao ay dapat na maging
matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Sa
pagkakaibigan, mahalaga ang pakikinig. Pero kung ikaw lagi ang nagsasalita,
ipinadarama mong mas mahalaga ang opinyon mo kaysa sa opinyon nila. Kaya
makinig ka kapag nagsasabi sa iyo ng niloloob ang kaibigan mo. At huwag sasamâ
ang loob mo kapag may itinawag-pansin siya sa iyo. “Ang mga sugat na idinulot
ng [kaibigan] ay tapat,” ang sabi ng Kawikaan 27:6.
3.
Maging Makatotohanan sa mga Inaasahan
Habang nagiging malapĂt tayo sa
isang kaibigan, mas nakikita natin ang kaniyang mga kapintasan. Hindi perpekto
ang mga kaibigan natin, pero ganoon din tayo. Kaya hindi tayo dapat umasang
hindi sila magkakamali. Sa halip, pahalagahan natin ang kanilang magagandang
katangian at palampasin ang kanilang mga pagkakamali.
ANO
ANG SINASABI NG BIBLIYA?
Handa ka bang magpatawad?—Colosas 3;13,14
“Tayong lahat ay natitisod nang
maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay
taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Ang mga
salitang iyan ay tutulong sa atin na maging mas maunawain sa ating mga
kaibigan. Kaya naman mapalalampas natin ang maliliit na pagkakamali at
pagkukulang na baka ikayamot natin. Sinasabi ng Bibliya: “Patuloy ninyong
pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay
may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. . . . Ngunit, bukod pa sa lahat ng
bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang
sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:13,14.
4.
Makipagkaibigan sa Iba’t Ibang Uri ng Tao
Totoo na kailangan tayong maging
mapamili pagdating sa kaibigan. Pero hindi ibig sabihin nito na kakaibiganin
lang natin ang mga kaedad o kapareho natin ng background. Kapag nagpakita tayo
ng interes sa lahat ng tao, anuman ang kanilang edad, pinagmulan, at lahi, mas
magiging maligaya tayo.Nakikipagkaibigan ka ba sa iba’t ibang uri ng tao?—2 Corinto 6:13
ANO
ANG SINASABI NG BIBLIYA?
“Nagsasalita akong gaya ng sa mga
anak—kayo rin ay magpalawak.” (2 Corinto 6:13) Pinasisigla
tayo ng Bibliya na makipagkaibigan sa lahat ng uri ng tao. Kung gagawin mo ito,
magiging makulay ang buhay mo, at mapapamahal ka sa iba.









